Business 101ReflectionsBusiness IdeasFinancial LiteracyRealities of LifeFinancial FreedomFranchiseObservationsBusiness & EntrepreneurshipPersonal FinanceDaily Life

Usapang Lotto: Anong Dapat Gawin Kung Nanalo Ako? Saan Kukunin ang Premyo? Paano Mag-Franchise ng Lotto Outlet?(10-min read)

Heto na naman tayo nagbabakasakaling manalo sa lotto. Kahit ano pang sabihin ng blog na ito, at nang iba, eh wala nang makapipigil sa mga nais tumaya. Aba eh pera naman nila yan. Kahit nga yung mga hindi naman madalas tumaya, kagaya ko, eh nahihikayat na ring tumaya sa laki ba naman ng jackpot price, tumataginting na 1 bilyong piso! Isipin na lang natin na nakatutulong din naman tayo sa PCSO at sa mga tinutulungan ng opisinang ito.

Paulit-ulit nang nabanggit ang lotto sa website na ito, hindi dahil sa hinihikayat namin kayong tumaya, ngunit dahil sa masugid at walang sawang pagpapa-alala namin na maraming ibang paraan para yumaman, hindi lamang ang pagkapanalo sa lotto. Mas madali at mabisang paraan. 😉

ULTRA LOTTO 6/58

Marami nang nagcompute, mayroong higit 40 milyong kumbinasyon na maaring mabuo kung pipili ng anim na numero mula sa 1 to 58. At dahil isang kumbinasyon ng 6 na numero lang naman ang mananalo, ang tsansa na lalabas ang kumbinasyon mo eh 0.00000247063%. Ang daming zeroes! Lubhang napakaliit na tsansa, anila mas malaki pa raw ang prababilidad na tamaan ka ng kidlat (0.0010416667%)! Aruykupo! Sino ba naman ang gustomg tamaan ng kidlat hindi ba?

Kung tatayaan mo naman ang lahat ng posibleng kumbinasyon (kunwari may budget ka), gagastos ka ng 24 x 40,475,358 = 971,408,592. Mga 972 million. Ang jackpot eh 1.1 bilyon, net of 20% tax, papatak siguro ng 880 milyon lamang kaya lugi ka pa. At pano kung 2 kayong manalo sa same combination, eh di 440M na lang take home mo? Haha! Tapos yung puhunan nung isa eh P24 lamang. Siya na ang maswerte.

Paano nga ba palalakihin ang tsansang manalo?

Tumaya ng higit sa anim na numero. Pwede yun! Kung pito ang pipiliin mo (at kailangan mo lang ng anim na tama!), higit na mas malaki ang tsansa mo kesa sa pumili ng 6 na numero lang. Siyempre, mas malaki ang taya dito (P140 ayon sa likod nung card). Kung 12 numero ang pipiliin mo, P18,480 dapat ang puhunan mo. Hindi sure win ito, pero mas malaki ang tsansa kesa sa 6 na numero lang.

Yung iba naman mas maraming kumbinasyon ng 6 na numero ang tinatayaan. Ako minsan 3 kumbinasyon o higit pa.

O kaya tumaya sa mas mababang mga palaro gaya ng 6/42 o 6/49 na malaki na rin naman ang premyo (halos 100M kung minsan). Mas mababa ang denominator, mas malaki chance na manalo. Kaya naman hindi rin umaabot ng bilyon ang premyo dito dahil madalas may nananalo. Pwede na rin naman ang 20M, 50M o 97M di ba? Kaysa wala.

Advertisements

MAS TRIP NG PINOY

Napag-usapan na natin dati na mas trip ng Pinoy ang lotto, sabong, karera, casino at kung anu-ano pang sugal kaysa mag-invest dahil:

  • Mas maliit ang kailangang puhunan, barya para sa iba kaya mas madaling tumaya, at kung matalo, eh “maliit lang din ang talo”
  • Mas madali intindihin ng masa, hindi na kailangan pang aralin, mas madaling alamin kung paano at saan ka tataya, alin ang panalo sa talo, di gaya ng stocks at managed funds na “mahirap intindihin” ng ordinaryong tao
  • Mas mabilis ang panalo para sa tsansang 0.00000247063% Saglit lang alam mo na kung talo o panalo ka di gaya sa stocks at managed funds na “long-term” dapat

Narito ang luma naming article ukol dito: Why Filipinos Prefer Horserace and Lotto

Totoo, sa bawat taya, mas maliit ang talo sa lotto pero sa sobrang liit ng tsansa manalo, pag inipon mo lahat ng tinaya mo dating-dati pa, na 99.999% eh sigurado namang talo ka, suma-tutal malaking halaga na rin ito. Kung isang taya kada draw, 3 draw kada linggo, 52 linggo sa isang taon, papatak ito ng 24 x 3 x 52 = 3,744 kada taon. Kung mag-iinvest ka ng 3,744 kada taon at kikita ito ng 12% kada taon sa susunod na 20 taon, aabot ito sa P302K sa puhunang P74.8K. Maliit ba?

Yan eh kung isang taya lang kada-draw. Ilan ba sa atin ang isang taya lamang kada-draw? Kung gawin mong 3 taya kada draw, ang annual na puhunan mo ay papalo sa 11,232 na magiging 906,408 sa loob ng 20 taon. Maliit pa rin?

Samantalang sa stocks, kung patuloy ka lang mag-iinvest sa index funds, kahit sobrang malas ka pa at bumili ka lagi sa all time high ng index bago ito sumadsad, kikita ka pa rin after 20 years ayon sa aklat na Unshakeable ni Tony Robbins. At kung paglalaanan ng panahong aralin ang stocks trading (na medyo advanced na), ang batting average mong kumita ay 40% kung normal ka, hindi na masama kumpara sa less than 1% sa lotto. Samantalang merong deka-dekada na tumataya eh hindi pa rin nananalo ng higit sa balik-taya. Nakalulungkot isipin.

Kaya kung tumataya ka, pagpalain ka nawa, pero sana ito’y katuwaan lamang, swertihan, sana hindi mo ikinahihirap ang palagi mong pagtaya. Sana hindi ikaw yung tipong bisyo na to, yung tipong wala na nga makain, tataya pa rin. Sugal yan. Alam mong napalaki ng tsansa na talo. Pero malay mo nga naman, manalo.

Huwag iasa ang kinabukasan mo sa lotto ok? Magsumikap at maging wais. Tandaan, WISER PINOY = RICHER PINOY. Mas lalo kang lalapitan ng swerte at yayaman ka kung mas magiging wais at masinop ka sa pera. Proven na yan!

Narito ang link upang mas maintindihan mo kung ano nga ba itong WISER PINOY = RICHER PINOY.

OMG! NANALO AKO! NANALO AKO! SHHHH!

Relax lang. Magpasalamat sa Diyos. Huwag ipahalata sa kapit-bahay at kaopisina. Sa laki ng premyo, baka ikapahamak mo ang pagkapanalo mo, baka makidnap o maholdap ka o ang pamilya mo. Naisip mo na ba yun? Narito ang ilan pang mahalagang payo namin:

  • Relax. Hingang malalim. Huwag aatakihin sa puso. Icheck ng paulit-ulit kung yung tinayaan mo nga ang nanalo. Tumalon at sumigaw ng walang sound para hindi marinig ng kapit-bahay.
  • Itagong maigi ang ticket. Pag walang ticket, hindi mo ma-claim ang premyo mo.
  • Huwag muna i-claim agad-agad. Kung kaya mo, patagalin mo ng kaunti para hindi halatang ikaw ang nanalo. Yung dating nanalo ng 800M, November nanalo pero December pa nya ni-claim. Ang taas ng EQ nya no? Haha.
  • Huwag ipagsabi. Minsan kahit kapamilya mo na, maiisipan ka pang gawan ng masama dahil lang sa pera. Piliin nang mabuting mabuti ang mga pagsasabihan mo.
  • Planuhing maigi kung saan ito gagamitin. Financial freedom at security dapat, passive income sources, hindi temporal joys lamang.
  • Siguraduhing ikabubuti ng buhay mo ang pagkapanalo mo dahil malabo nang maulit ito. Siguraduhing tatagal ang napanalunan mo ng 50 years o higit pa, para sa mga future anak at apo mo. Marami nang biglang-yaman na nawala rin parang bula ang kayamanan dahil hindi sila handa mentally at emotionally sa ganun kalaking halaga. Mas lalo pa silang naghirap matapos maubos yung premyo.
  • Bayaran lahat ng utang.
  • Kung ako yun, iinvest ko yung 75% nang napanalunan ko. Kahit sa bonds lang na 7% p.a. pwede na o kaya sa index funds. Magtabi para pang tuition at iba pang gastusin sa hinaharap.
  • Ipang-negosyo. Franchise ng Mang Inasal nasa P12M na, Jollibee dati P40M, 7-11 nasa P3.5M.
  • Bumili ng lupain sa probinsya na pwedeng taniman.
  • Huwag muna magresign sa trabaho. Hahaha!
  • Magdonate sa simbahan at iba pang charity.
  • Malamang lilipat ka na rin ng bahay sa lugar na secure at walang nakakaalam na nanalo ka sa lotto.
  • Saka ka manlibre at gumastos sa kung anu-ano pang ikaliligaya mo pansumandali. Dapat gawin mo muna yung nasa taas.

Unahing iset-up yung mga investments, unahing ipundar yung mga magpapalago pa ng kinita mo, passive income sources, dahil ito ang magdudulot sayo ng pangmatagalang financial freedom, bago ka mangbalato at magwaldas na temporal joys lang ang mabibigay sa iyo.

Narito ang ilan pang mas seryosong tips sakaling manalo ka: Remember Me When You Win the Lotto. Huwag mo kong kalilimutan kung nanalo ka ha!

Advertisements

SAAN KUKUNIN YUNG PREMYO?

Kung ang panalo mo ay P20 to P5,000, pwede mo na i-claim yan sa iyong suking lotto outlet.

Kung higit P5,000 naman, pumunta sa opisina ng PCSO sa 2F Conservatory Bldg, 605 Shaw Blvd. Mandaluyong City. Magdala ng 2 na government issued ID (SSS, UMID, GSIS, Driver’s License, Passport etc) at siyempre yung winning ticket pakaingatan mo! Hindi ito dapat gusot, punit, sira o sunog at plantsado gaya ng nangyari sa isa nating kababayan. 🙁

Hindi naman nila ipagkakalat na ikaw ang nanalo (usually yung lugar lang kung saan tinayaan yung sinasabi nila) pero mahirap na rin, tao lang sila at maraming nakapaligid sa labas na pwedeng abangers kaya pasimple ka lang talaga dapat. Kunwari P5,000+ lang yung premyo mo hihihi.

Dati may option na installment every year yung premyo pero sabi sa ibang articles ngayon, lumpsum na lang daw dahil taxable na ang premyo (20% boo!) Obviously hindi pa ako nananalo pero siguro naman ay may option na cheke ang ibigay sa iyo para hindi mo naman dala yung bulto-bultong perang papel. Obvious naman yun masyado kung cash. Kung pwedeng hati-hatiin sa tig-100M na cheke mas mainam pero baka hindi rin sila napayag.

Makabubuting ideposito ito agad sa bangko at saka mo na lang ilipat sa iba pang bangko pag tumagal. May PNB at Landbank daw sa building ng PCSO kaya mas mainam kung dun ka na mag-open ng account. Ideally checking account para kung ililipat mo ang ilang pera sa ibang bangko na mas malapit sa’yo, issue ka na lang lagi ng checke for deposit sa account mo, hindi yung cash withdrawal na limpak-limpak.

Tandaan, sa depositong lalagpas ng P500K, ito ay covered transaction na sa Anti-Money Laundering at required ka i-declare sa account officer kung saan galing ang perang iyon. Kaya naman, minsan, hindi mo rin talaga maiiwasan na ipagsabi sa mga piling tao na ikaw na nga ang pinalad na ultra lotto winner. Sana lang ay mapagkakatiwalaan itong mga taong makakaalam nito. Strictly confidential dapat.

Sana rin may personal finance seminars yung mga nananalo para naman mas magamit nila ng maayos yung premyo para sa ikauunlad nila at ng iba pang tao. O kaya naman sumangguni lamang sa amin (via #AskGeri) upang kayo ay aming mapayuhan.

PAANO MAG-FRANCHISE NG LOTTO OUTLET

Pwede! Sa paglobo ng premyo ng 6/58 na humigit 1.1Bilyon na, eh malaki na rin ang halaga na napupunta sa charity services ni PCSO (estimate 30% ng total bets, 55% sa pa-premyo, 15% sa operations). Kung ang P1.1B ang katumbas ng 55% ng total bets, tinatayang nasa P600M ang napunta sa charity, 300M naman sa daily operations ng PCSO.

Isa pang tiba-tiba ay yaong may mga lotto outlets! Pagod nga lang yung mga kahera at tao nila. Kaya nga isa rin ito sa negosyong gusto kong pasukin makahanap lang ako ng magandang pwesto.

Paano nga ba? Ang angkop na pwesto para sa lotto outlet ay dapat:

  • Hindi binabaha
  • May floor area na 4-9sqm o may counter na 1m x 0.5m. May sapat na espasyo para sa PC terminal, modem at taguan ng mga tickets (ikaw rin ang magpupundar ng computer)
  • May linya ng kuryente, telepono o abot ng signal ng cellphone, at internet
  • Hindi tago, nakaharap sa daloy ng tao pero secured at enclosed ang lugar
  • Tuyo at maaliwalas, mas mainam kung airconditioned
  • 100m ang layo sa iba pang lotto outlet, simbahan at paaralan (kung sa NCR), 200-250M sa probinsya.
  • 5m ang layo sa mga sanglaan
    • Pero marami ako nakikita na malapit sa simbahan, paaralan, pati sanglaan. Strict ba sila dito? O hindi nila alam inilipat na pala ng operator yung outlet?
  • Isubmit ang location map at sketch, subject to approval ng PCSO

Magkano ba ang kita ng lotto outlet?

5% commission ang kitaan. Sa bawat P20 na taya, P1 ang mapupunta sa lotto outlet. Kaya dapat maganda ang pwesto para maraming tataya. May required quota din si PCSO ng benta para masigurong magaganda ang mga lokasyong napili.

Kung 400 customers kada araw ang tataya (50 kada oras), sa average bet na P40 (2 combinations), ang total sale ay P40 x 400 = P16,000. Ang 5% commission nito ay 800 kada araw. Sa loob ng isang buwan ito ay 24,000 na hahatiin mo na sa pasweldo ng tao at upa sa pwesto, kuryente etc. Ang matitira ay sa iyo. Mas maraming customers na mas malalaki ang taya, sa magandang pwesto na mura ang upa (meron ba nun?), mas maganda. Winner na winner ika nga!

Advertisements

Magkano ang kapital at puhunan?

Strictly speaking, hindi ka magiging franchisee ng lotto outlet dahil si PCSO lamang ang may franchise nito na kaloob ng kongreso (parang yung mga franchise ng telco at TV stations). Ang mga lotto outlet ay tinatawag na agents. Narito ang mga paunang bayarin:

  • P2,500 application fee
  • P10,000 installation fee
  • P1,700 processing free
  • P300,000 cash bond o kaya ay mag-apply ng surety bond (parang insurance) na ang coverage ay halagang P700,000 para daw hindi mo itakbo yung pinagbentahan char! (~P5,800 to 7,000 o higit pa kada taon depende sa assessment)
  • Siyempre yung bayad sa renta, sa tao at sa kuryente

Mukhang kaya naman ang puhunan. Ano pa ibang requirements?

  • I-download ang Online Lotto / Lotto Express Application Form sa PCSO website
  • Nasa form na rin ang mga requirements na kailangan kung ikaw ay individual / sole proprietor o kumpanya (e.g. Birth Cert, ID picture, proof of income, NBI at barangay clearance, etc)
  • Location map ng pwesto mo para ma-ocular inspection nila
  • Sketch ng hitsura ng outlet mo
  • Proof of lease kung sakaling lease lang ang commercial space mo

I-submit ito sa PCSO office na nakasasakop sa inyong lugar at maghintay ng 30 days kung maaaprubahan ang pwesto ng lotto outlet mo.

Goodluck sa ating lahat!

May we all have richer lives, because of lotto and/or because of our investments and smart money management.

Subscribe to Blog via Email

Enter your email address to subscribe to this blog and receive notifications of new posts by email.

Source: PCSO FAQs

Advertisements
Advertisements
Share the richer life:

What's on your mind?

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.